Monday, January 23, 2012

R.I.P.

                Kapag nakita o narinig mo ang mga titik na R.I.P., ano ang unang papasok sa isip mo? Sa tingin ko, ito:


larawan mula sa: http://www.wordans.com/custom-t-shirt-design-details/holidays-events-design-grave-rip-38546


                      Kamatayan.

                Kaya naman noong inatasan kaming manood ng dula na may ganitong pamagat, inisip kong magiging madugo at malungkot ito. Masaya ako at naging kabaligtaran ng aking inaasahan ang tinanghal. Ito pala ay puno ng saya at katatawanan.

Paggamit ng Katatawanan

larawan mula sa: http://www.facebook.com/photo.php?fbid=144018965712257&set=a.127249020722585.24106.127247737389380&type=3

                Ang R.I.P. ay nagtataglay ng maraming mahalagang elemento ng dula, at ang nagpatangi rito ay ang paggamit ng katatawanan sa pamamagitan ng mga tauhan at sitwasyon. Masasabi na ang antas ng katatawanan ay nahahati sa dalawa: mababaw, kung saan ang pagpapatawa ay nasa surface level lamang, at malalim, na nangangailangan ng kaunting pag-iisip bago makuha ang buong diwa ng katatawanan. Ang mababaw na katatawanan ay naipakita sa mga kasuotan, kilos at diskurso ng tauhan, habang ang malalim na katatawanan ay naipamalas sa paglaro ng mga salita at mga galaw na may pangalawang ibig sabihin. Sa paghahalo ng dalawang ito, tuluyang nabigyan ng kakaibang kulay at saya ang dula.

                Ang mababaw na katatawanan ay naipakita sa maraming paraan. Una, sa mga tauhang gumanap. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga bakla bilang ilan sa mga pangunahing tauhan, napagana agad ang ideleohiya ng mga manonood na ang mga tauhan ay magiging kaaliw-aliw at katuwa-tuwa. Ang paraan ng kanilang pagkilos at ang kanilang mga biro ang nagpatibay rito. Naging magaan ang pakiramdam ng mga manonood dahil kahit papaano ay nakasanayan na nilang panoorin ang ganitong klaseng mga taong nagpapatawa. Ang ideolohiyang ito ay dulot ng media, at nakikita natin na tinatangkilik ito ng taumbayan dahil sa pagkasikat ng ilang komedyante katulad ni Vice Ganda. Maliban dito, naging magaling din ang pagganap ng mga lalaki at babae kaya hindi sila masyadong nasapawan ng mga baklang tauhan. Naging epektibo ang kanilang pagpapatawa mula sa ekspresyon ng kanilang mga mukha hanggang sa pagbitiw ng mga nakakatawang linya. Pangalawa, naging mainam din ang paggamit ng pang-uyam sa paghahatid ng aliw, katulad ng isang tagpo kung saan tinanong ni Ichay si Colas, "Colas, andito ka pala?" at ang sabi ni Colas na, "Ay wala wala, bulaklak lang ang nandito." Ang mga simpleng linyang ito ay nagpapagana sa mababaw na kaligayahan ng maraming Pilipino, kaya naman nagdudulot agad ito ng saya at tawanan. Panghuli, ang estratehiya ng pagkakaroon ng live na bidyo kasabay ng pagbibiro ni Toming sa entablado sa palagitnaan ng dula ay naging epektibo sa pagpukaw ng mababaw na katatawanan ng mga manonood dahil hindi ito karaniwang ginagawa sa mga dula, kaya naman mas naging lubos na masaya ang mga nasa loob ng tanghalan.


larawan mula sa: http://www.guardian.co.uk/artanddesign/2009/feb/21/smiley-face-design-history

                Naipamalas din ng dula ang malalim na pagpapatawa. Mayroong iilang bahagi na kailangan munang pag-isipan bago makuha. Ang unang nagpalalim sa mga bahaging ito ay ang paggamit ng malalalim na salita, lalo na noong bahagi ng komedya at sarswela. Kailangan munang isipin ang ibig sabihin ng mga salita batay sa konteksto ng mga nangyayari bago mo maisip na, "Oo nga, nakakatawa nga," at tsaka ka hahalakhak. Sa mga bahaging ito, naririnig ko ang mga katabi kong nagtatanong, "Ano ulit yun?" marahil ay dahil hindi nila masyadong naintindihan ang paraan ng pagpapatawa o biro na binitawan. Ang pangalawang nagpalalim sa katatawanan ng dula ay ang mga salitang may dalawang kahulugan, ngunit mas madali itong naintindihan ng mga tao dahil nakikita nila ang mga nangyayaring tagpo at alam na ng karamihan ang dobleng kahulugan ng mga pariralang winika. Halimbawa, noong kumukuha ang mga tauhan ng isang pelikula at nasabi ang mga pariralang, "Ano ang tunog ng martilyo? Pokpok!" Nangangailangan ng pag-iisip para makuha ang birong ito, at kung hindi lantarang pinapakita na gumagawa ang mga tauhan ng isang mahalay na palabas ay hindi magiging epektibo ang pagpapatawa. Ang iba pang mga parirala katulad ng, "Nabilaukan ako sa mabalahibo mong okra," ay hindi magiging katawa-tawa kung wala itong angkop na modernong konteksto o euphemism.


                 Ang magandang halimbawa ng kaibahan ng mababaw at malalim na katatawanan ay maipapakita sa paghahambing ng dalawang bidyo sa ibaba: isang bidyo na mayroong mga klip ni Vice Ganda sa kanyang pelikulang Praybeyt Benjamin, at isang bidyo ni Jose Manalo na ginagaya si Willie Revillame. 



 


mga bidyo mula sa youtube.com


                Makikita sa unang bidyo na hindi nangangailangan ng masyadong pag-iisip para makuha ang mga biro, pagkat sadyang nakakatawa talaga ang mga kilos at salita ng mga tauhan. Mainam din ang paggamit ng pang-uyam sa pagbibiro, na isa sa mga tinatangkilik ng masang Pilipino ngayon. Sa pangalawang bidyo naman, kailangan muna ng kaunting pag-iisip kung paano naging nakakatawa si Jose Manalo. Gumagamit lamang siya ng pangkaraniwang salita, ngunit naging epektibo ito dahil sa kanyang panggagaya kay Willie Revillame. Kailangang may kaalaman muna ang manonood tungkol sa relasyon ng dalawa (mga host sa magkaribal na istasyon) bago makuha ng buo ang biro at mapatawa. Ang dalawang bidyong ito ay pumupukaw sa pagkamapagpatawa ng masang Pilipino.  

-----

                Ang paghahalo o interplay ng mababaw at malalim na katatawanan ang naging katangi-tanging aspeto ng dulang R.I.P. Nagkaroon ng kakaibang buhay ang kwento dahil sa kilos, salita at pagpapatawa ng mga tauhan. Naging epektibo rin ang paraan ng pagbibigay saya ng mga nagtanghal sa mga manonood  dahil sa mga estratehiyang ginamit. Makikita rin natin na malapit sa puso ng tao ang mga uri ng pagpapatawang ginamit, pagkat ang mga pamamaraang ito ay kilala dahil sa mga palabas at batikang komedyante. Ang katatawanan ay isang bahagi na ng ating lipunan at hindi mawawala habang ginagamit, tinatangkilik, at nililinang natin ito sa ating pangaraw-araw na buhay.
  

*ilan sa mga pangunahing tauhan. Mula sa itaas, pakanan: Colas, Toming, Uban, Ichay, Bociong, Sianang
mga larawan mula sa facebook.com



-----
Mga Sanggunian:

1. designzz, "Grave - RIP - Holidays & Events t-shirt," Wordans image, http://www.wordans.com/custom-t-shirt-design-details/holidays-events-design-grave-rip-38546 (accessed January 23, 2012).

2. R.I.P. at La India Elegante Y El Negrito Amante, "Profile Pictures," Facebook image, http://www.facebook.com/photo.php?fbid=144018965712257&set=a.127249020722585.24106.127247737389380&type=3 (accessed January 23, 2012).

3. Sky Magazine/Rex Features, "An acid House smiley logo," Guardian image, http://www.guardian.co.uk/artanddesign/2009/feb/21/smiley-face-design-history (accessed January 23, 2012).

4. SuperWarlord96, "Praybeyt Benjamin Jokes!!," YouTube video, 1:25, http://www.youtube.com/watch?v=pMEUIDbpolo&feature=related (accessed January 23, 2012).

5. jherr1234, "Jose Manalo As Willie Revillame Again," YouTube video, 2:10, http://www.youtube.com/watch?v=yMLp6kc0v50&feature=related (accessed January 23, 2012).

6. ENTABLADO, "Ang Cast ng R.I.P. at La India Elegante Y El Negrito Amante," Facebook album, http://www.facebook.com/media/set/?set=a.10150570085861346.431633.116101556345&type=3 (accessed January 23, 2012).

No comments:

Post a Comment